Tuesday, March 9, 2010

Mga Walang Kwentang Tao sa Buhay Ko


Nagising na ako sa katotohanan (may muta pa nga) na hindi lahat ng taong gusto kong maging kaibigan ay nais din akong maging kaibigan at hindi lahat ng taong malapit sa akin ay mapagkakatiwalaan. Marami ang nagbabalat-kayo. Marami ang nagsisinungaling. Marami ang nanggagamit. Ilang beses na nga ba akong hinin gan ng tulong ng mga hunyango sa aking paligid? Ilang beses ko na basilang tinulungan? Tinanggihan? Hindi alam ang eksaktong bilang pero alam kong mas malaki ang bahagdan ng pagtulong ko kaysa pagtanggi. Basta kaya ko ang isang bagay na ipinapakiusap sa akin, ginagawa ko sa pag-aakalang kapag ako ang hihingi ng tulong sa kanila, tutulungan din nila ako.
 May mga tao palang nais lang mapadali ang kanilang buhay sa paghingi ng tulong ng iba at kapag ang tulong nila ang kailangan, animoy mga kunehong nagpupulasan patungo sa kanilang mga lungga na nakaramdam na may papalapit na agila. Hindi naman lahat ng tao sa aking paligid ay ganoon, ngunit madami sila.
Naaalala ko pa yung ipinagtapat sa akin ng isa sa mga itinuturing kong totoong kaibigan kahit hindi kami ganoon kalapit sa isa’t isa noong lumiban ako sa klase dahil sa migraine. May kris kringle ang at nagbibigayan ng mga regalo ng mga oras na iyon. Bago raw ibigay ang regalo ay kailangan munang ilarawan ang taong pagbibigyan ng regalo. Masaklap ang mga pangyayari dahil ang grupo na malapit sa akin ang s’ya palang huhudas sa akin. Binabanggit nila ang pangalan ko kahit hindi naman ako ang inilalarawan ng iba kong kaklase. Pinagtatawanan daw ako ng mga oras na iyon. Ang masaklap pati ang guro ko sa signaturang iyon ay walang ginawa kundi tumawa.
Balewala lang sa akin iyon noon dahil hindi ko alam kung gaano katotoo subalit binanggit sa akin ng guro kong iyon ang nangyari nung araw na may kris kringle. Nais ko sanang sabihin na dapat sinaway mo sila at tinuruan ng tamang asal pero mas minabuti ko na ang manahimik.
Sunod naman, tinanong ako ng isa sa mga taong pinagpiyestahan ang aking pangalan at binaboy ang aking pagkatao ng talikuran kung ano ang sinabi ni Sir sa akin. Ibinalik ko lang ang tanong n’ya. Para siyang kriminal na itinatanggi ang kasalanan na ginawa. Wala ba silang diyos? Wala ba silang tamang asal? Wala nga yata.

Friday, March 5, 2010

Mga Walang Kwentang Dahilan ng Pagsusulat

Humahanga ako sa mga manunulat, sa mga may sariling librong isinulat, sa nagba—blog ng makabuluhang bagay, sa mga makata, sa matatapang na nagsusulat para magmulat ng mga saradong mata at yung mga gumagawa ng mga kwentong nagdadala sa akin sa ibang mundo.
Inaamin ko, hindi ako manunulat subalit isa akong mambabasa. Hilig kong maglangoy sa agos ng kwento at landiin ang tubig ng bawat salita. Minsan nagpapatangay ako sa agos at madalas nasasagi ko ang malalaking bato subalit nakakagawa ako ng paraan upang hindi ako masaktan. Madalas ding napupuno ng buhangin ang mga bulsa ng aking pantalon ngunit paglipas ng oras, unti-unting din itong naglalaho. Ang nadadaanan kong perlas, magagangadang bato at kabibe ay maingat kong itinatago.
Napaiyak na ako ng mga kwento, hinamon na rin ako ng mga tula at pinahanga ng ilang akda at nakarating na ako sa malalayong lugar na sa libro lang matatagpuan. Naranasan ko ang mga bagay na hindi nararanasan ng ibang tao…naranasan kong lahat dahil sa libro.
Kaya ngayon ako naman ang magsusulat upang makaimpluwensya. Baka may maniwala, nawa’y may mapahanga…kung wala man ay ayos lang, ang mahalaga’y maging malaya kahit sa pagsulat lang ng isang akda.